Sunday, December 9, 2012

TAYO lang. :)

Nabasa ko minsan na sinabi ni pacman, “Even if you worked hard if you don't have God, you are nothing! Sa lahat ng laban ni Pacquiao kahit  noong siya ay nagsisimula pa lamang ay hindi na matatawaran ang kanyang dedikasyon sa larangan ng palakasan na kanyang pinili. Hindi uubra sa boxing ang pabanjing-banjing na training lamang, alam ng isang mahusay na manlalaro na kailangan niyang magpagod, mag-ensayo, magpawis, masaktan upang lalong gumaling sa kanyang mga laban. At kung paanong nadating ni Pacman ang tagumpay na mayroon siya ngayon, ito ay dahil puspusan niyang inilaan ang kanyang oras, lakas at puso sa bawat ensayo hanggang sa laban.

Ang totoo hindi lang naman ngayon natalo si Pacquiao, natalo narin siya sa iba niyang mga laban noong hindi pa siya ganoon kasikat, mas ramdam lang natin ang lungkot ngayon kasi inaasahan natin na hindi na siya matatalo at mapapatumba. At kasabay noon, iniisip natin ang reputasyon na nakataya sa kanyang kalugmok-lugmok na pagkatalo. hindi naman siya si Superman, hindi din naman siya Super hero na wala nang posibilidad na matalo, isa din siyang tao bumabagsak, nasusuntok at na k-K.O. Sabi nga ni Howie Day “Even the best fall down sometimes”

At hindi rin naman ibig-sabihin nito na nawalan na ng saysay ang lahat ng kanyang pag-pupursige dahil sa isang pagkatalo lamang. Ang pagkatalo ay masasabi nating magaganap sa buhay ng tao sa sandaling  siya ay bumagsak tapos mananatili na lamang siyang lugmok at hindi na tatayo. Mas nasusubok ang isang tao sa oras ng kanyang pagkabigo, at ang puso ay  tumatatag sa mga pagsubok. Ang batayan ng tunay na pagkapanalo ay kung paano mo idedeal ng matalino ang sitwasyon pagkatapos mong matalo.

Hanga parin ako kay Pacquiao, sinasalamin lang niya ang katotohanan na ang mga tao ay nanghihina parin, nauubusan ng lakas,  at katulad ng sinabi nya, na kahit pag-trabahuhan nya ang mga bagay-bagay kung wala naman siyang Diyos, wala parin siyang halaga. At dito siya panalo, na kinikilala niya ang Diyos na nagbibigay sa kanya ng lakas at buhay at iginagalang niya ang soberanong paggawa ng Diyos anuman man ang naging resulta ng mga laban niya sa kanyang buhay.  Nawa sa nangyaring ito ay matutuhan pa niya na "ang pinakamalalakas na mga tao ay ang mga pinakamahihina na umaasa lamang sa lakas at biyaya na ibinibigay sa kanya ng Diyos". Yan ang panalo..^___^   



Sunday, November 4, 2012

Kaya yan^__^



Magpakatatag!! ito ang sigaw ng mga tao na may ipinaglalaban at nakatingin sa inaasahan nilang gantimpala sa darating na wakas.

Pamula pa man noong unang mga panahon, ang lipi ni Jacob sa pamumuno ni Josue ay pinaalalahanan ng Panginoon na maging malakas, magpakatatag at magpakatapang hanggang sa maabot nila ang lupang ipinangako. Hindi man naging madali sa mga israelita ang kanilang naging pakikibaka, nakita naman natin ang probidensya at biyaya ng Diyos upang maabot nila ang pangako sa kanilang lupain, hindi lamang sa buhay ni Josue, pati sa mga tauhan ng Bibliya, hanggang sa mga kristiyano ng modernong kapanahunan ay ipinagkakatubilin sa atin na magpakatatag sa paglakad sa buhay na ito.

      Ang isang iglesya ay maituturing na matatag hindi dahil libu-libo ang mga miyembro nito, maging hindi rin sa laki ng istraktura ng kanilang bahay sambahan,at sa dami ng kanilang kabang yaman. Ang isang matatag na iglesya ay hindi ang iglesya na walang anumang problema, sagabal at pagsubok. Ang isang matatag na iglesya ay hindi ang iglesya na wala nang anumang alalahanin. Maaaring maranasan ng isang iglesya ang ilan sa mga mabubuting bagay na ito subalit ang isang iglesya ay matatag at mananatiling matatag kapag ang Panginoong Hesu-Kristo ang Sentro ng anumang Gawain nito at Ang Pangalan ng Diyos ang natatas sa kanilang kalagitnaan.

Ang magpakatatag ay isang hamon na posibleng maisakatuparan. Ang Bibliya, na salita ng Diyos ay patuloy na nagpapaalala satin ng mga bagay na dapat nating gawin upang makapamuhay  ng maayos, isa pa hindi nawawalan ng kapangyarihan ang salita ng Diyos upang magbigay ng gabay, kaparaanan, at lakas upang ikaw ay makapagpatuloy na mamuuhay ng may katatagan. Ang problema, kalimitan sa isang tao ay inaakala niya na siya ay malakas na ng malayo sa patnubay ng Bibliya, ang hindi niya namamalayan na ang laks na meron siya na galing sa kanyang sariling talino at kakayahan ay madaling lumilipas at nagdadala ng kabiguan. Alalahanin natin na ang mga israelita, ang mga tao ng Bibliya, ang mga hinirang ng Diyos ay hindi nagiging matagumpay ng malayo sa pag-gabay at salita ng Diyos. 

Ang magpakatatag ay isang hamon na posibleng maisakatuparan sapagkat may pangako ang Panginoon na kung siya ang nagsimula ng mabuting gawa sa iyo ay lulubusin nya ito hanggang sa wakas at ang Biyaya ng Diyos ay maasahan natin na tapat sa panahon ng ating kahinaan. Lubos tayo na magtiwala sa ating Panginoon na may kakayahan na magdala sa atin sa parada ng tagumpay.

Sa Diyos lamang ang papuri ngayon at magpakailanman!!!

Sunday, October 7, 2012

uyyy BAGO.


"Kung paanong ang oras ay gumagalaw bawat segundo ang buhay mo ay patuloy na nagbabago,"

Lahat  ng bagay sa mundong ito nagbabago, hindi pedeng ang isang bagay ay manatili na lamang sa kanyang unang kalagayan. Lumalaki ang isang sanggol, tumutubo ang halaman at nalalanta, umuulan at umaaraw, magyeyelo sa kabilang panig ng mundo at mainit sa kabila. Lahat nagbabago, isang araw ang saya ng mood mo pakanta kanta pa, pagkagising mo isang umaga ang weird na ng pakiramdam mo. Umiiyak ka dahil sa masamang pangyayari tapos maya maya lamang tatawa ka nalang dahil sa isang joke na iyong narinig. Ang totoo ang tao ay nagbabago, hindi ka nananatili magpakailanman na bata, lalaki at lalaki ka sa pagtanda. Kaya impossible ang demand natin minsan sa isang tao na “please wag kang magbabago”  unfair  ito sa part niya kung tutuusin, hindi mo man lamang binigyan ng chance ang taong ito na kung  siya ay mabuti na sa iyong paningin ay mas maging mabuti pa siyang tao. At kung siya ay hindi naman mabuti ay mamanatili na lamang siyang ganun habang panahon.


Nababago ang tao, sa positibong perspektibo magandang balita ito, sapagkat kung dati ang tingin mo sa sarili mo ay hindi tama ang katotohanan ay maari ka pang mabago para maging tama. 
Marami nga lang nagsasabi “sana, baka, o pede  isang araw mabago din ako, kung baga inaasa natin sa bukas o sa darating na araw ang ating pagbabago na maari naman nating maging desisyon ngayon. Hindi oras ang makakatulong satin kundi ang pagbabago mismo.

Sa totoo lamang wala naman talagang tao ang nagbago sa kanyang sariling kakayanan nang malayo sa biyaya ng Diyos, “naalala ko noong bata pa  ako dahil laki ako sa Kristyanong pamilya, akala ko mabuti na akong bata at maayos na sa paningin ng mga tao.. hindi ako makulit hindi ako palaaway, takot ako magsinungaling at kapag sobra ang sukli sa akin ng tindero alam ko na kailangan kong isauli iyon pabalik at sinasauli ko nga. Napatunayan ko, na ang pamantayan ng tao sa kabutihan ay ang mga bagay na madaling makita at karamihan ay mga panlabas lamang na maaaring meron ako noong bata at hanggang sa ngayon, subalit naunawaan ko, na ako ay isang makasalanan at kailangan ko ang Diyos upang mabago ang aking buhay. Dumating ako sa punto na nakita ko ang sarili ko na lugmok sa kasalanan, at nakita ko ang kasamaang dulot nito. Sa madaming pagkakataon ang problema sa tao ay ito, "hindi siya mag-nanais na mabago hanggang hindi nya nakikita ang pangangailangan na magbago at kapag hindi pa sya umiiyak at nasasaktan sa kanyang di pa nababagong buhay.. ang maliit na mali kapag pinabayaan ay pedeng lumaki at magdala mas malaking kapahamakan,subalit kung ngayon palang mababago na tayo eh magiging maayos tayo hanggang sa darating na bukas. 

Uyyy.. BAGO, bagong girlfriend (naks), bagong kotse (yaman) bagong bahay (ayos yan) bagong gadget (kaw na) walang masama sa mga iyan ngunit isipin mo na lahat tayo ay mamamatay at lahat ay pansamantala lang, isa pa nyan kahit hindi tayo aware ay mag-iiwan at mag-iiwan tayo ng marka sa buhay ng iba, malungkot kung sa araw ng libing natin ay ganito ang usap-usapan nila "mabuti at kinuha na siya ni LORD, nabawasan nang isang masama sa mundong ito" tsk.. tsk.. Sana kapag nawala tayo may  makapagsabi ng ganito " naging magandang halimbawa siya sa buhay ko upang ako ay mag-bago"
kung may isang naisin tayo na pinakang-naisin din ng Diyos ay ito ang hingin sa Biyaya nya na tayo ay mabago.  Ang Pag-asa na mayroon tayo ngayon ay ang hindi nag-babagong Diyos na kayang magbago ng buhay. 
-isang mapagpalang araw-
   

Tuesday, August 28, 2012

Pipiliin mo ba?


Kelan ba nagiging makabuluhan ang pagpili? Kapag ikaw ba ay masaya sa bagay na iyong mapipili? o kapag hindi ka nasasaktan?  Kapag nakita mo na may pakinabang ang iba sa gagawin mong pagpili o kapag hindi ka umiiyak ganun din naman walang ibang umiiyak?

Ang totoo, araw araw  pagkagising palang natin sa umaga humaharap na tayo sa hamon ng pagpili; kung uunahin natin ang Diyos sa panalangin  o hindi… At sa Paglabas natin ng bahay at pagharap natin sa mga tao, sino sino ba sa mga kilala mo  ang iyong pakikisamahan ng mas ayos, ng ayos  at ng hindi maayos. Paguwi mo ng bahay at bago  matulog  gagawin mo bang purihin ang Diyos sa isang araw na dumaan o hindi?


 
May mas malalalim na bagay pa na kailangan nating pumili, pagdating sa “decision making” gamit na gamit  at kailangan pairalin ang matalinong pagpili… hindi uubra sa isang importanteng desisyon ang “ maiba taya, Di magbago'y alis, ang tao o ibon o ang Mini ini maynimo.” Dahil kailangan mo iconsidera ang consequences ng mga bagay na iyong gagawin at pipiliin. At sa anumang aspeto ng buhay kinahaharap mo ang katotohanan na dadaan at dadaan ka sa ganitong karanasan, iba man ang nararanasan ko sa iyo. Isang bagay ang totoo lahat tayo dumaranas nan, hindi ka nag-iisa.

Nagiging mahirap ang pagpili kapag ang dalawang panig ay pantay sa iyong paningin at magkapareho ng halaga para sa iyong pangunawa. Sa pagitan ng maganda at pangit walang alinlangan na ang pipiliin natin ay ang maganda, at kahit daanin natin na ang isa ay maganda at ang  isa ay mas maganda, naniniwala ako na mas pipiliin natin ang mas maganda kumpara sa maganda lamang. Dito pumapasok ang katotohanan na ang tao ay pumipili ng mga bagay na alam niya na magdadala sa kanya ng kasiyahan at tila madaling gawin ito kapag hindi magkasinghalaga at hindi pantay ang kanyang pinagkukumparang mga bagay.

Sana ganito lang ang pamantayan natin sa pagitan ng mabuti at masama at sana hindi na mag-alinlangan pa na piliin ang pinakamabuti.. Kaya gusto kong magsalita ng hindi opinyon kundi katotohanan; na kahangalan ang piliin ang masama kaysa sa mabuti, ang kasalanan kaysa sa kabanalan.  Ang masamang dulot ng kasalanan kaysa sa mapayapang bunga ng kabanalan. Ang sakit. Lungkot, kirot, iyak,at gapos ng kasalanan kaysa sa kalayaang dala ng kabanalanan. Ang totoo maraming tao ang pumipili ng kasalanan at kapag hindi naging maganda ang kabayaran nito para sa kanila ay  sinisisi nila ang Diyos sa kanilang naging kapalaran. Hindi naman tama yan.

Dahil ang totoo may konsensya na nagdidikta at sumusigaw na piliin natin ang tama, gawin ang mabuti! tumindig sa katuwiran, at ayawan ang kasalanan, ang tao lang talaga ang makulit.

Magiging makabuluhan ang iyong pagpili sa ganitong paraan; kapag ang bagay na iyong pinili ay magdadala ng mabuti sa iyo at sa iba at lalong-lalo na madadakila at maluluwalhati ang Diyos. Yan, tuloy mo lang.:)