Tuesday, August 28, 2012

Pipiliin mo ba?


Kelan ba nagiging makabuluhan ang pagpili? Kapag ikaw ba ay masaya sa bagay na iyong mapipili? o kapag hindi ka nasasaktan?  Kapag nakita mo na may pakinabang ang iba sa gagawin mong pagpili o kapag hindi ka umiiyak ganun din naman walang ibang umiiyak?

Ang totoo, araw araw  pagkagising palang natin sa umaga humaharap na tayo sa hamon ng pagpili; kung uunahin natin ang Diyos sa panalangin  o hindi… At sa Paglabas natin ng bahay at pagharap natin sa mga tao, sino sino ba sa mga kilala mo  ang iyong pakikisamahan ng mas ayos, ng ayos  at ng hindi maayos. Paguwi mo ng bahay at bago  matulog  gagawin mo bang purihin ang Diyos sa isang araw na dumaan o hindi?


 
May mas malalalim na bagay pa na kailangan nating pumili, pagdating sa “decision making” gamit na gamit  at kailangan pairalin ang matalinong pagpili… hindi uubra sa isang importanteng desisyon ang “ maiba taya, Di magbago'y alis, ang tao o ibon o ang Mini ini maynimo.” Dahil kailangan mo iconsidera ang consequences ng mga bagay na iyong gagawin at pipiliin. At sa anumang aspeto ng buhay kinahaharap mo ang katotohanan na dadaan at dadaan ka sa ganitong karanasan, iba man ang nararanasan ko sa iyo. Isang bagay ang totoo lahat tayo dumaranas nan, hindi ka nag-iisa.

Nagiging mahirap ang pagpili kapag ang dalawang panig ay pantay sa iyong paningin at magkapareho ng halaga para sa iyong pangunawa. Sa pagitan ng maganda at pangit walang alinlangan na ang pipiliin natin ay ang maganda, at kahit daanin natin na ang isa ay maganda at ang  isa ay mas maganda, naniniwala ako na mas pipiliin natin ang mas maganda kumpara sa maganda lamang. Dito pumapasok ang katotohanan na ang tao ay pumipili ng mga bagay na alam niya na magdadala sa kanya ng kasiyahan at tila madaling gawin ito kapag hindi magkasinghalaga at hindi pantay ang kanyang pinagkukumparang mga bagay.

Sana ganito lang ang pamantayan natin sa pagitan ng mabuti at masama at sana hindi na mag-alinlangan pa na piliin ang pinakamabuti.. Kaya gusto kong magsalita ng hindi opinyon kundi katotohanan; na kahangalan ang piliin ang masama kaysa sa mabuti, ang kasalanan kaysa sa kabanalan.  Ang masamang dulot ng kasalanan kaysa sa mapayapang bunga ng kabanalan. Ang sakit. Lungkot, kirot, iyak,at gapos ng kasalanan kaysa sa kalayaang dala ng kabanalanan. Ang totoo maraming tao ang pumipili ng kasalanan at kapag hindi naging maganda ang kabayaran nito para sa kanila ay  sinisisi nila ang Diyos sa kanilang naging kapalaran. Hindi naman tama yan.

Dahil ang totoo may konsensya na nagdidikta at sumusigaw na piliin natin ang tama, gawin ang mabuti! tumindig sa katuwiran, at ayawan ang kasalanan, ang tao lang talaga ang makulit.

Magiging makabuluhan ang iyong pagpili sa ganitong paraan; kapag ang bagay na iyong pinili ay magdadala ng mabuti sa iyo at sa iba at lalong-lalo na madadakila at maluluwalhati ang Diyos. Yan, tuloy mo lang.:)