Tuesday, July 23, 2013

IKaw? Hindi nga?


Sinabi minsan ni Claudius Ptolemy  isang astronomer na ang mundo ang sentro ng kalawakan at ang mga araw at mga bituin at ang buwan ang umiikot sa palibot nitong mundo. Isang palaisipan marahil sa mga unang tao ang ganitong mga bagay, Sabagay, wala pa namang tao ang nakalabas ng earth noong panahon niya upang magsabi kung anong disenyo nito sa taas ng kalangitan, at sa isang ordinaryong tao na naninirahan sa ating mundo katulad niya hindi katakataka na maging teorya ito sa pag-aakala na lahat ng bagay ay nakasentro sa malaki ngunit ang totoo ay maliit na batong lumulutang sa napakalaking universe.


Hindi tayo nalalayo kay Ptolemy, sinasalamin niya ang masakit na katotohanan na lahat ng tao may tendency na isipin na ang kanyang sarili ang sentro ng lahat, katulad ng kaisipan niya na ang mundo ang sentro ng lahat ng planetang umiikot dito. May mga magtataas ng kilay at sasabihing hindi siya ganung klase ng tao, siguro o maaring iba’t ibang degree lamang at bigat ng kalagayan pero lahat may ganitong kaugalian.

Nakakita ka na ba ng dalawang taong gulang na bata? Pansinin mo na lahat ng makita niyang bagay ay kanyang kukunin at kapag sinubukan mo na kunin ito pabalik ay iiyak siya at magagalit. Walang nagturo sa batang ito na mang-angkin ng bagay na hindi naman kanya pero naging likas na ito sa isang bata pa lamang. Pagdating ng grade school may mga nangbubully, at anong dahilan? Kasi nakikita nila na mas malalakas sila at mas maayos kaysa sa iba. Sa school pataasan at may competition sa grade? Bakit dahil gusto nila sila ang mataas sa ranking kaysa sa iba. Hindi ko naman binabalewala ang magandang bagay na maaccomplish mo sa buhay at ito ay maganda. Subalit gusto ko lang na pansinin mo ang motibo sa likod ng accomplishement na meron ka. Ito ba ay dulot ng self-centeredness? O para mapasaya ang iba?

Masyado yata nating minahal ang kanta ni Whitney Houston na “learning to love yourself is the greatest love of all”. Ang totoo hindi na naman kailangang aralin ito ng isang tao, dahil sa maniwala kayo o sa hindi araw-araw ginagawa natin ito. Inaayos natin ang ating sarili, pinapakain ang ating katawan, sinusunod ang magsasatisfy sa katawan na minsan nagiging dahilan ng pagkakasala natin sa Diyos. Ginagawa ang gusto ng puso, at ang sasabihin pa ng ilan “basta wala akong inaapakan na tao, gagawin ko lang ang magpapasaya sa akin”

Kapag may conflict tayo sa ibang tao, bakit tayo nagagalit sa kanila? Dahil may mga sarili tayong standard at expectation na kapag hindi nila nasunod pagmumulan ng ating tampo na hindi man lang kinoconsider ang kalagayan nila kung bakit hindi nagawa ang ating mga expectation.

Sa buhay pag-ibig, kung tatanungin kita ng siryoso at sasagutin mo ako ng siryoso kung may girlfriend o boyfriend kayo….bakit siya yung pinili mo? Ang isasagot mo sakin marahil ay ito; kasi nagandahan ako sa kanya, kasi nakita ko ang hinahanap ko sa kanya, kasi pinapasaya niya ako, siya ang nagpatibok ng puso ko, hindi ko kayang mabuhay ng wala siya. At dun sa mga dumanas ng break-up.. ano ang dahilan ng karamihan? Hindi na ako masaya sa kanya, siya kasi ganito ang ugali hindi ko gusto, siya ang dahilan at may kasalanan. Sa dalawang kalagayan aking nabanggit, isa lang ang katotohanan na nakikita ko at ito ay tinitingnan natin ang kapakanan ng ating sarili kaysa sa iba. “Inuulit ko hindi ito ang kadalasang nangyayari sa lahat ng tao, kung iba ang iyong nararanasan mabuting bagay na malaman yan, subalit nagbibigay lang ako ng mga bagay na maari nating pagbulay bulayan at kung tama ang aking opinion di naman masama na baguhin natin ang buhay”

Marami pang halimbawa kung paano natin maipapakita ang self-centered attitude na meron ang tao, subalit sa sobrang dami baka hindi natin matapos ang blog na ito. Ilan sa mga bagay lang na gusto kong iwan ay ito na ang self-centeredness ay maraming hinanakit na maidudulot sa iyo at sa ibang tao.

Tingnan natin ang kapakanan ng iba, at tingnan natin ang ating sarili. Mahalin ang iba at mahalin natin ang ating sarili. Maging payapa sa iba at magiging payapa rin ang ating sarili. 

Kung matututuhan lang natin ang salitang pangunawa, paraya, at pagmamahal alam ko na hindi mahirap tingnan ang kalagayan ng iba at isa pa posible naman na mangyari ang mga bagay na ito.

Natutuhan ng mga tao ang katotohanan na mali ang theory ni Claudius Ptolemy ng sabihin ni Nicolaus Copernicus na ang araw ang sentro at ang mundo ang umiikot dito.

Ang pinakamahalagang ay ang masumpungan natin na ang Diyos lamang ang sentro at dapat maging sentro ng ating buhay. Ang papuri at luwalhati ay sa kanya lamang at hindi sa atin. At ang Diyos na sentro ng lahat ay kanyang magbago ng pakikitungo natin sa ibang mga tao. At kapag ito ang ipinamuhay natin, sasabihin natin na ang greatest love of all is the love of God and to love God is our greatest joy.

Isang mapagpalang araw sa inyong lahat

Monday, June 10, 2013

Kape at kaibigan





Kung maglalakbay ka sa ibat ibang lugar, dito palang sa pilipinas marami kang malalaman na ibat ibang klaseng uri ng kape, sa mga Batangueno sikat na sikat ang kapeng barako, na kapag  natikman  mo, ay baka mapasuntok ka sa pait pero sobrang sarap nitong lasa. Sa ibang parte ng bansa may gumagawa ng kapeng bigas. Ang iba nilalagyan ng creamer, ang iba gatas ang trip, yung mga nagtitipid tamang asukal na lang. Subalit sa tatlong paraan na aking nabanggit yung pinakahuli ang pinakamasarap isabaw sa kanin bilang almusal. Sabi nga, kanya kanyang trip lang yan.

Ang mga western ang nagdala sa atin ng Starbucks coffee, ang kape na may kamahalan. Isang timpla lang nito ay makakapagkape kana ng 30 beses kung yung kopiko astig lang na tiglilimang piso ang bibilhin mo sa tindahan. Sosyal, kaya naman maraming Pilipino lalo na sa maynila ang nahuhumaling dito kahit alam nila na baka sa susunod na araw ay wala na silang budget dahil sa “mochafrapoccinovanillaicecandy” (whatever) na binili nila. Anupaman dahilan, okay lang naman na tikman, ang totoo masarap naman talaga ang kape dyan.

Kapag pupunta ka south ng Laguna, matatagpuan sa Majayjay ang isang tindahan ng mga meryenda at ito ang “STARBAKS”. Bukod sa “kape Alamid” na pinakamahal at pinakamasarap daw na kape, ito pa ang gusto kong tikman para malaman kung ano ba ang pinagmamalaki ng nakakaaliw nitong pangalan.

Saan man nagmula ang kape na iyong natikman, gaano man ito kamahal; halagang piso man o dolyar, caffeinated man o decaf, sa anong paraan mo man tinimpla, sa umaga o sa tanghali o sa gabi mo man ininom, naniniwala ako na kahit papaano naging parte na ito ng iyong buhay.

Si kape ang hanap kapag kelangang magreview at manatiling gising sa magdamag, si kape ang hanap kapag “grave yard shift”. Si kape ang hanap kapag gustong mawala ang sakit ng ulo. Kapag nagbabasa ng dyaryo at may tinatapos na trabaho. Si  insomnia at nerbyos lang ata ang may conflict kay kape, si kidney, nagrereklamo nadin at gustong kumampi sa dalawa, bukod sa tatlo si highblood ang pinakatodo bantay sarado at alleric dito.

Pero anupaman, hindi rin maitatanggi na marami ng pagkakaibigan ang nabuo din dahil sa isang tasang kape, gaya dito sa atin, gabi gabi tuwing may game of life at sleep over si “nesca-piko” ang taga gising natin para sa tawanan, asaran, laglagan, basagan, dramahan at pagdadamayan na maaring mangyari. Tulad ng kape na ating iniinom ang ating pagkakaibigan, hindi masarap kapag purong kape lang at walang asukal, kapag di pa tayo kuntento may add-ons na creamer. Meron sa atin black, ang iba strong, ang iba mild lang, ang iba parang kapuccino mabula, pero sana kung gaano kaiinit sineserve satin ang kapeng ating iniinom ay manatiling ganun din kainit ang ating pagkakaibigan lumipas man ang mga panahon.

Ang buhay natin minsan parang kape, MAPAIT. Sa dami ng pagsubok na meron tayo nais  nating isipin na sana kasing dali lamang ng pagtitimpla ng 3 in 1 coffee masolve ang ating mga problema. Sana isang buhos lang ng mainit na tubig, konting halo ng kutsara at (tantarantantan solve na probema ko! )Pero hindi eh, Kaya nga natin kailangan ang isa’t isa para alalayan ang bawat isa. Kapag may nanlalamig, ilagay na agad sa takure, ilagay sa apoy, masakit man ang proseso pero kung yan ang paraan para maging mainit ulit, ito lang ang masasabi ko  “tiis tiis din pag may time”ahaha. Susubukan naman nating gawin ito ng may pagmamahal.

Di ko na mabilang ang kapeng ating napagsaluhan, pero nagpapasalamat ako na sa mga oras na bigo ako andun ka para ako ay samahan, kapag tumatawa ako ng malakas at kapag ako ay nangaasar lang andyan ka din para gumanti sa mas matinding asaran, at lalo na kapag siryoso tayo sa ating mga pinaguusapan. Di ko matatawaran ang halaga nito sa aking buhay at sa tuwing tayo ay magkakasama, nagkwekwentuhan man o tumatambay lang, andyan lang si tasa ng kape  na tumatayong saksi at nakatunghay lang sa ating mga karanasan.”

Darating ang panahon, na ang dating mga tasa na ating iniinuman, ay paminsan minsan na lamang nating magagamit at darating ang panahon na may mga maliliit na labi  na bagong dadampi sa mga tasa na gamit mo sa bahay. Wala na ding sleep over, wala ng game of life, wala ng movie night, wala ng asaran (sana lang….:p) at mas siryoso na tayo sa ibat iba nating karera sa buhay. Magiging busy na din tayo sa ating mga sariling pamilya, Pero sana, hindi kagaya ng kape na mabilis lumamig, ay manatiling mainit na nagmamahal tayo sa isa’t isa, lalo na sa Diyos na nagparamdam ng mainit na pag-ibig niya sa atin.

Friday, April 12, 2013

Boto mo, Boto ko


Sa dami ng mga kandidatong  nakikita mong nakasabit ang larawan sa mga kanto, ilan-ilan ba sa kanila ang nakikilala mo? Wala na ang tradisyunal na paraan ng papapatse ng mga papel na larawan ngayon, pero ang pulitika kaya nagbago ba? PCOS na ang bibilang ng boto ng mga Pilipino, aabutin lang daw ng ilang araw at alam na kung sinong panalo, laking gaan kumpara sa tradisyunal na mano-manong pagbilang, pero nakasisigurado ba tayo na wala ng maloloko?




Isang pribelehiyo sa akin ang mag-conduct ng electoral survey noong nakaraang buwan bago ang actual na botohan; tinanong ko ang mga tao kung anong batayan nila ng pagpili? Ang sabi ng ilan “mabait daw”, ang sabi ng ilan “subok na” at nakahihigit na sagot nila “natulungan po ako” mabuti naman iyon kung ating titingnan pero ang malaking katotohanan ay ito “responsibilidad naman talaga nila na tumulong dahil iyon ang tawag ng kanilang sinumpaang tungkulin”. Kung magiging tapat lang ang mga pulitiko na ito at tatanungin natin sila kung may nagamit ba silang pera sa pagtulong nila, na kinuha nila mismo sa kanilang bulsa at kung tapat nila itong sasagutin makakaasa tayo na ang sagot nila ay “wala, ang ginagamit ko ay ang mismong kabang yaman ng mamamayan” at iyan ang punto na gusto kong ipagdiinan.. marapat lang na maibalik sa taong bayan ang para sa taong bayan. Sa survey parin tinanong ko kung anong pinakamalaking problema ang kinahaharap ng kanilang lugar at pangalawa lamang sa aming naging listahan ang kahirapan, nanguna nila na sagot ay ang droga, nakakapanlulumo at nakakabagabag na laganap ang droga sa bayang aking minamahal at kung ang titingnan natin ay ang hindi lamang pangkasalukuyang epekto nito ay nakakatakot na ang ating mga anak  o mga apo ang lubhang maapektuhan nito sa darating na panahon at iyan ang ayaw kong mangyari.

Sa darating na Mayo ay eleksyon na naman ilang porsyento ng ating mga kababayan ang ayaw ng makilahok sa darating na botohan, para sa kanila; wala naman daw magbabago, mahirap parin daw ang pilipinas, wala naman daw maayos na pulitiko na hindi “corrupt” at walang pansariling interes. Wala akong magagawa as opinion nila at kung susuriing mainam maaring totoo ang ilan.

Subalit ito ay kailangan nating gampanan, Kasama sa Demokrasya ang kapangyarihang ibinigay sa mga tao upang pumili ng karapat-dapat na kandito sa darating na botohan, “karapat-dapat” ang salitang magbibigay ng halaga sa salitang kalayaan.

Hindi lang sana tayo maging malayang pumili, kundi pumili hindi batay sa pansariling interes kundi sa interes na karamihan. Pipili tayo ng kandidato na may tamang plataporma na labanan ang masama, alisin ang hindi tama at mamumuno ng may integridad at takot sa Diyos. Wala namang perpektong kandidato, pero iba narin yung may mga katangian na nabanggit ko. Mahal ko ang bayan ko at taga San Pablo ako at sa munting paraan ng pagpapaalala sa inyo ng kahalagahan na pagboto, at pagboto sa karapatdapat, ito lang ang tanging handog ko, sa bayan ko.