Sinabi minsan ni Claudius Ptolemy isang astronomer na ang mundo ang sentro ng
kalawakan at ang mga araw at mga bituin at ang buwan ang umiikot sa palibot
nitong mundo. Isang palaisipan marahil sa mga unang tao ang ganitong mga bagay,
Sabagay, wala pa namang tao ang nakalabas ng earth noong panahon niya upang
magsabi kung anong disenyo nito sa taas ng kalangitan, at sa isang ordinaryong
tao na naninirahan sa ating mundo katulad niya hindi katakataka na maging
teorya ito sa pag-aakala na lahat ng bagay ay nakasentro sa malaki ngunit ang
totoo ay maliit na batong lumulutang sa napakalaking universe.
Hindi tayo nalalayo kay Ptolemy, sinasalamin niya ang masakit na
katotohanan na lahat ng tao may tendency na isipin na ang kanyang sarili ang
sentro ng lahat, katulad ng kaisipan niya na ang mundo ang sentro ng lahat ng
planetang umiikot dito. May mga magtataas ng kilay at sasabihing hindi siya
ganung klase ng tao, siguro o maaring iba’t ibang degree lamang at bigat ng
kalagayan pero lahat may ganitong kaugalian.
Nakakita ka na ba ng dalawang taong gulang na bata? Pansinin mo na lahat
ng makita niyang bagay ay kanyang kukunin at kapag sinubukan mo na kunin ito pabalik
ay iiyak siya at magagalit. Walang nagturo sa batang ito na mang-angkin ng
bagay na hindi naman kanya pero naging likas na ito sa isang bata pa lamang.
Pagdating ng grade school may mga nangbubully, at anong dahilan? Kasi nakikita
nila na mas malalakas sila at mas maayos kaysa sa iba. Sa school pataasan at
may competition sa grade? Bakit dahil gusto nila sila ang mataas sa ranking
kaysa sa iba. Hindi ko naman binabalewala ang magandang bagay na maaccomplish
mo sa buhay at ito ay maganda. Subalit gusto ko lang na pansinin mo ang motibo
sa likod ng accomplishement na meron ka. Ito ba ay dulot ng self-centeredness? O
para mapasaya ang iba?
Masyado yata nating minahal ang kanta ni Whitney Houston na “learning to
love yourself is the greatest love of all”. Ang totoo hindi na
naman kailangang aralin ito ng isang tao, dahil sa maniwala kayo o sa hindi
araw-araw ginagawa natin ito. Inaayos natin ang ating sarili, pinapakain ang
ating katawan, sinusunod ang magsasatisfy sa katawan na minsan nagiging dahilan
ng pagkakasala natin sa Diyos. Ginagawa ang gusto ng puso, at ang sasabihin pa
ng ilan “basta wala akong inaapakan na tao, gagawin ko lang ang magpapasaya sa
akin”
Kapag may conflict tayo sa ibang tao, bakit tayo nagagalit sa kanila? Dahil
may mga sarili tayong standard at expectation na kapag hindi nila
nasunod pagmumulan ng ating tampo na hindi man lang kinoconsider ang kalagayan
nila kung bakit hindi nagawa ang ating mga expectation.
Marami pang halimbawa kung paano natin maipapakita ang self-centered attitude na meron ang tao, subalit sa sobrang dami baka hindi natin matapos ang blog na ito. Ilan sa mga bagay lang na gusto kong iwan ay ito na ang self-centeredness ay maraming hinanakit na maidudulot sa iyo at sa ibang tao.
Tingnan natin ang kapakanan ng iba, at tingnan natin ang ating sarili. Mahalin ang iba at mahalin natin ang ating sarili. Maging payapa sa iba at magiging payapa rin ang ating sarili.
Kung matututuhan lang natin ang salitang pangunawa, paraya, at pagmamahal alam ko na hindi mahirap tingnan ang kalagayan ng iba at isa pa posible naman na mangyari ang mga bagay na ito.
Natutuhan ng mga tao ang katotohanan na mali ang theory ni Claudius Ptolemy ng sabihin ni Nicolaus Copernicus na ang araw ang sentro at ang mundo ang umiikot dito.
Ang pinakamahalagang ay ang masumpungan natin na ang Diyos lamang ang sentro at dapat maging sentro ng ating buhay. Ang papuri at luwalhati ay sa kanya lamang at hindi sa atin. At ang Diyos na sentro ng lahat ay kanyang magbago ng pakikitungo natin sa ibang mga tao. At kapag ito ang ipinamuhay natin, sasabihin natin na ang greatest love of all is the love of God and to love God is our greatest joy.
Isang mapagpalang araw sa inyong lahat


