Friday, June 5, 2015

tahimik daw kami? Ewan ko lang..^^,

                  “Isang headset, maximum volume ng music, isang cell phone na may mp3 player-----minsan sapat na para gumaan ng bahagya ang aking pakiramdam. Oo nga pala, ako si Mr. Yoso , introvert daw sabi ng Psychology, mahilig ako sa musika, at gustong gusto ko ang amoy ng mga libro lalo na yung medyo luma na, na magbabalik ng aking pagkabata sa isang silid aklatan at hinuhubog ang isipan ng imahinasyong malaya at makabuluhan.”

Ito ay isang sanaysay na magsasabi ng aming tunay na kalagayan.

Tahimik kaming mga tao, mabibilang ang mga salita na lalabas sa aming mga labi, hindi din kami yung tipo na magalaw, masyado kasi kaming conscious kung may makakapuna ba ng aming mga kilos. Sa madaling salita kami yung mga nakaupo lagi sa hulihan ng classroom, nasa gitna ng pila o kaya naman nasa hulihan parin, kami din yung kayang makatagal na nakaupo lang,nakatindig, nakahiga o nakatihaya kahit ilang oras. Kapag may recitation, kami yung hindi mag-tataas ng kamay, kasi ayaw namin marinig ng karamihan ang aming boses. Hindi mo din kami maasahan na sumali sa mga extra-curricular activities katulad ng sayaw, extemporaneous speaking, kanta at lalong lalo na sa Play kung saan kami ay mag-dradrama. Ayaw naming ng ganoon kasi sa totoong buhay madrama na ang aming mga pinagdadaanan.

Muntik ko na makaligtaan hindi naman lahat ng introvert ganito, meron kasi sa amin nakalampas na sa level na ito, yung iba nagsisimula ng lumabas sa kanilang box at yakapin ang buhay ng isang extrovert, yung iba naman nag-istruggle parin---gumagawa ng kahit isang hakbang para maranasan ang ibang bagay. Hindi naman ito sumpa para maliwanag lang, ewan ko pero siguro likas na sa amin ang ganito kaya nais lang namin ng mas mahabang pang-unawa.

Sa aking karanasan tingin ko mas sensitibo kaming mga tao, may dalawang mukha ito na minsan makasasama sa amin at minsan naman alam naming na mabuti. Pagdating sa pakikipagkaibigan kami yung hindi naman kadamihan ang kaibigan, at hindi din naman maunti (yung sakto lang) mas gusto kasi namin na makapaglaan ng kalidad na oras sa aming mga kaibigan--- yung tipong tumatatak at naaalala.

Hindi din kami mahirap paliwanagan at madali kami umunawa pero madalas kami din yung mahirap makaintindi lalo na kung malabo pa sa bula ng pinaglabhang damit ang aming kausap. Minsan kapag nagagalit kami kahit isa ngiti lang o kamusta sa text nagiging okay na ang lahat.

Nagiging extrovert ako na isang true-blooded introvert kapag kasama ko ang mga taong talaga namang malaya akong ipakita kung sino ako at minsan mas malala pa ako sa mga extrovert kapag nagkataon.

May kanya kanya yata talagang personalidad ang mga tao, sabi nila nanggaling sa aming tribo ang mga author ng books, scientist, at mga artist, sa madaling salita malalalim ang hugot namin kaya kami nakagagawa ng malalaking mga bagay.

Mainam din kaming kasama ng mga extrovert kasi kami minsan ang bumabalanse sa aggresibo nilang pagkatao. Ang totoo may mga kaibigan ako na extrovert at masasarap silang kasama. Tapat at walang keme, pagdating sa sense of humor talaga namang panalo sila kaya hindi na katakataka na isa sa dalawang pinakamatalik kong kaibigan ay nanggaling sa lipi nila.

Ang Psychologist lang naman ang nagbansag sa mga tahimik, timid at walang kibo na introvert at extrovert naman ang kabilang banda, maraming pagkakataon kabaligtaran pa nga ang manifestation ng dalawa. Ang totoo hindi kayang ipaliwanag ng Sikolohiya o Siyensya ang personalidad ng mga tao dahil meron gumawa sa mga ito na higit na nakaaalam kung kanino at kanino ang katangian na dapat niyang taglayin sa buhay na ito.

Ang mahalaga, unawain natin ang isa’t isa at alamin na sa mga taong nakakasalimuha mo araw-araw may unique na katangian kang masasaksihan at sa kanila ikaw ay may matututuhan. Tayo ay likha ng Diyos, at hanggang sa ngayon misteryoso para sa agham ang pagkagawa sa atin.










Friday, March 27, 2015

"Laro Pa More"

       
        Mahilig ako sa laro noong bata pa ako, isang makabuluhang pampalipas oras na may kasamang katuwaan, kantyawan at iyakan. Mga dramang noon mo lang naranasan at sa isip nalang kayang balikan. Maraming larong “Pilipino” ang aking nasubukan at sa dami ng aking nalaro, madami din ako kanta na natutuhan, natatandaan nyo pa ba si Max Alvarado na barado ang ilong? Ang langit at lupa? Ang mahuli taya? Ang London Bridge is falling? Si mangga kung hinog na ba siya? At ang pagpasok ng reyna na may dalang korona?

Kakaibang-kakaiba na ang laro ng mga bata ngayon, Noon simpleng jack en poy lang pero ibang saya na  ang naibibigay. Gumuhit ka nga lang ng araw at mga ulap sa lupa tapos umaaasa ka na uulan ilang minutong makalipas.   Mga imahinasyon na nagiging totoo sa ating isipan at lubos nagpapasaya sa mura nating gulang. Sana makabalik ako minsan sa panahong iiyak lang ako dahil sa katatawa at masaya akong napapagod dahil sa habulan.
May mga laro din naman ako na ayaw laruin pero sobrang konti lang yun, ang totoo halos wala nga maliban limbo at ang “group yourselves”. Hindi ko lang alam pero siguro dahil hindi ako nananalo sa larong iyon.

Kung titingnan natin sa positibong perspektibo may maidudulot din naman na maganda ang larong ito dahil ipapakilala nito kung sino talaga sa mga kaibigan mo ang hihila, hihigit, makikipaglaban para makasama ka lamang. Kung sino ang maninindigan at hahanap sa iyo para mapabilang ka lamang.

Sa kabilang banda traumatic para sa isang bata na hindi ka mapabilang sa grupo, kaya di ko mapigilang mapaawa sa mga batang umiiyak dahil natanggal na sila kahit gusto pa nila maglaro at lumaban. Yung parang nagtatanong “bakit ako di napasama?” o bakit ninyo ako tinanggal? Ang kagandahan lang siguro sa mga bata madali sa kanila ang makalimot at sa susunod na laro ngingiti at makikilahok na lang siya uli.

Sana bata nalang tayo na kapag nasaktan o iniwan o pakiramdam ay napabayaan ay madaling mapapawi ang nararamdaman.

Ngayon matanda na ako, hindi ko parin ganoon kagusto ang larong ito, siguro dahil hindi orihinal na nanggaling sa Pilipinas ang larong ito dahil hindi naman kasi mahilig mag bukod at mag-grupo grupo ang mga Pilipino, pero nakalulungkot na ito na ang nangyayari sa ating kapanahunan. Sa totoo lang natatakot din ako na kapag nag-sink ang boat at nag-group yourselves into two, ten or four maiiwan ako na di maalala at mabibilang. Kasamang lulubog ng bangka lahat ng panahon ng ibinuhos mo upang mapatibay inyong pagkakaibigan

Mas gusto ko ang larong taguan na kahit di nila alam kung saan ka pupuntahan, o maaaring nagtatago ka sa panahon ng buhay mo na puno ng kadiliman, hahanap hanapin ka nila,susuyudin lahat ng poste, puno o pader pati ilalim ng kama at loob ng cabinet matagpuan ka lamang at sabay kayong tatakbo ng masaya sa inyong base kung saan nagsimula ang lahat. At pagkatapos may pagkakataon na mababaligtad na sila naman ang magtatago at ikaw naman ang maghahanap hanggang sa matagpuan mo sila. Ganyan lang naman ang buhay kanya kanya ng panahon at kanya kanya ng pagkakataon, kaya habang may oras pa hanapin ang iyong mga kaibigan gawin mo na baka kasi dumating ang panahon na kahit anong pilit mo na hanapin sila ay hindi mo na sila matagpuan.

“Tara laro tayo kaibigan”