Mahilig ako sa laro noong bata pa ako,
isang makabuluhang pampalipas oras na may kasamang katuwaan, kantyawan at
iyakan. Mga dramang noon mo lang naranasan at sa isip nalang kayang balikan.
Maraming larong “Pilipino” ang aking nasubukan at sa dami ng aking nalaro,
madami din ako kanta na natutuhan, natatandaan nyo pa ba si Max Alvarado na
barado ang ilong? Ang langit at lupa? Ang mahuli taya? Ang London Bridge is
falling? Si mangga kung hinog na ba siya? At ang pagpasok ng reyna na may
dalang korona?
Kakaibang-kakaiba na ang laro ng mga bata
ngayon, Noon simpleng jack en poy lang pero ibang saya na ang naibibigay. Gumuhit ka nga lang ng araw at
mga ulap sa lupa tapos umaaasa ka na uulan ilang minutong makalipas. Mga imahinasyon na nagiging totoo sa ating
isipan at lubos nagpapasaya sa mura nating gulang. Sana makabalik ako minsan sa
panahong iiyak lang ako dahil sa katatawa at masaya akong napapagod dahil sa
habulan.
May mga laro din naman ako na ayaw laruin
pero sobrang konti lang yun, ang totoo halos wala nga maliban limbo at ang
“group yourselves”. Hindi ko lang alam pero siguro dahil hindi ako nananalo sa
larong iyon.
Kung titingnan natin sa positibong
perspektibo may maidudulot din naman na maganda ang larong ito dahil
ipapakilala nito kung sino talaga sa mga kaibigan mo ang hihila, hihigit,
makikipaglaban para makasama ka lamang. Kung sino ang maninindigan at hahanap
sa iyo para mapabilang ka lamang.
Sa kabilang banda traumatic para sa isang
bata na hindi ka mapabilang sa grupo, kaya di ko mapigilang mapaawa sa mga
batang umiiyak dahil natanggal na sila kahit gusto pa nila maglaro at lumaban.
Yung parang nagtatanong “bakit ako di napasama?” o bakit ninyo ako tinanggal?
Ang kagandahan lang siguro sa mga bata madali sa kanila ang makalimot at sa
susunod na laro ngingiti at makikilahok na lang siya uli.
Sana bata nalang tayo na kapag nasaktan o
iniwan o pakiramdam ay napabayaan ay madaling mapapawi ang nararamdaman.
Ngayon matanda na ako, hindi ko parin ganoon
kagusto ang larong ito, siguro dahil hindi orihinal na nanggaling sa Pilipinas
ang larong ito dahil hindi naman kasi mahilig mag bukod at mag-grupo grupo ang
mga Pilipino, pero nakalulungkot na ito na ang nangyayari sa ating kapanahunan.
Sa totoo lang natatakot din ako na kapag nag-sink ang boat at nag-group
yourselves into two, ten or four maiiwan ako na di maalala at mabibilang. Kasamang
lulubog ng bangka lahat ng panahon ng ibinuhos mo upang mapatibay inyong
pagkakaibigan
Mas gusto ko ang larong taguan na kahit di
nila alam kung saan ka pupuntahan, o maaaring nagtatago ka sa panahon ng buhay
mo na puno ng kadiliman, hahanap hanapin ka nila,susuyudin lahat ng poste, puno
o pader pati ilalim ng kama at loob ng cabinet matagpuan ka lamang at sabay
kayong tatakbo ng masaya sa inyong base kung saan nagsimula ang lahat. At
pagkatapos may pagkakataon na mababaligtad na sila naman ang magtatago at ikaw
naman ang maghahanap hanggang sa matagpuan mo sila. Ganyan lang naman ang buhay
kanya kanya ng panahon at kanya kanya ng pagkakataon, kaya habang may oras pa
hanapin ang iyong mga kaibigan gawin mo na baka kasi dumating ang panahon na
kahit anong pilit mo na hanapin sila ay hindi mo na sila matagpuan.
“Tara laro tayo kaibigan”

No comments:
Post a Comment