Friday, March 27, 2015

"Laro Pa More"

       
        Mahilig ako sa laro noong bata pa ako, isang makabuluhang pampalipas oras na may kasamang katuwaan, kantyawan at iyakan. Mga dramang noon mo lang naranasan at sa isip nalang kayang balikan. Maraming larong “Pilipino” ang aking nasubukan at sa dami ng aking nalaro, madami din ako kanta na natutuhan, natatandaan nyo pa ba si Max Alvarado na barado ang ilong? Ang langit at lupa? Ang mahuli taya? Ang London Bridge is falling? Si mangga kung hinog na ba siya? At ang pagpasok ng reyna na may dalang korona?

Kakaibang-kakaiba na ang laro ng mga bata ngayon, Noon simpleng jack en poy lang pero ibang saya na  ang naibibigay. Gumuhit ka nga lang ng araw at mga ulap sa lupa tapos umaaasa ka na uulan ilang minutong makalipas.   Mga imahinasyon na nagiging totoo sa ating isipan at lubos nagpapasaya sa mura nating gulang. Sana makabalik ako minsan sa panahong iiyak lang ako dahil sa katatawa at masaya akong napapagod dahil sa habulan.
May mga laro din naman ako na ayaw laruin pero sobrang konti lang yun, ang totoo halos wala nga maliban limbo at ang “group yourselves”. Hindi ko lang alam pero siguro dahil hindi ako nananalo sa larong iyon.

Kung titingnan natin sa positibong perspektibo may maidudulot din naman na maganda ang larong ito dahil ipapakilala nito kung sino talaga sa mga kaibigan mo ang hihila, hihigit, makikipaglaban para makasama ka lamang. Kung sino ang maninindigan at hahanap sa iyo para mapabilang ka lamang.

Sa kabilang banda traumatic para sa isang bata na hindi ka mapabilang sa grupo, kaya di ko mapigilang mapaawa sa mga batang umiiyak dahil natanggal na sila kahit gusto pa nila maglaro at lumaban. Yung parang nagtatanong “bakit ako di napasama?” o bakit ninyo ako tinanggal? Ang kagandahan lang siguro sa mga bata madali sa kanila ang makalimot at sa susunod na laro ngingiti at makikilahok na lang siya uli.

Sana bata nalang tayo na kapag nasaktan o iniwan o pakiramdam ay napabayaan ay madaling mapapawi ang nararamdaman.

Ngayon matanda na ako, hindi ko parin ganoon kagusto ang larong ito, siguro dahil hindi orihinal na nanggaling sa Pilipinas ang larong ito dahil hindi naman kasi mahilig mag bukod at mag-grupo grupo ang mga Pilipino, pero nakalulungkot na ito na ang nangyayari sa ating kapanahunan. Sa totoo lang natatakot din ako na kapag nag-sink ang boat at nag-group yourselves into two, ten or four maiiwan ako na di maalala at mabibilang. Kasamang lulubog ng bangka lahat ng panahon ng ibinuhos mo upang mapatibay inyong pagkakaibigan

Mas gusto ko ang larong taguan na kahit di nila alam kung saan ka pupuntahan, o maaaring nagtatago ka sa panahon ng buhay mo na puno ng kadiliman, hahanap hanapin ka nila,susuyudin lahat ng poste, puno o pader pati ilalim ng kama at loob ng cabinet matagpuan ka lamang at sabay kayong tatakbo ng masaya sa inyong base kung saan nagsimula ang lahat. At pagkatapos may pagkakataon na mababaligtad na sila naman ang magtatago at ikaw naman ang maghahanap hanggang sa matagpuan mo sila. Ganyan lang naman ang buhay kanya kanya ng panahon at kanya kanya ng pagkakataon, kaya habang may oras pa hanapin ang iyong mga kaibigan gawin mo na baka kasi dumating ang panahon na kahit anong pilit mo na hanapin sila ay hindi mo na sila matagpuan.

“Tara laro tayo kaibigan”