Saturday, August 30, 2014

Tula para sa Makata



May mga salitang lumilipad naglalaro sa aking isip
Ito at naghihintay lamang
na magsama-sama lahat ng mga titik
Nangungusap, bumubulong ng pilit
Nais na makausap, malaman mo kahit saglit

Ang tunay kong kalagayan
Na hindi lingid at  iyong nalalaman
Alam kong parte ka ng aking buhay
 Nakaharap sa salamin habang binubulay
 
Sa mga mata mo ako ay nakatingin
May mga luha akong napansin
Kusang bumabagsak kahit iyong pinipigil
Ito lamang kaibagan ang aking bilin

Kung sa tingin mo ang puso ay nabibigatan
Dahil batbat ng sari-saring kabiguan
At hindi mo na maintindihan
Kung saan mas mainam na dumaan
sa kaliwa o sa kanan
Deretso o talikuran na lamang
Ang lahat ng iyong nalampasan?

Hindi ito ang panahon ng pagsuko
Hindi rin ito panahon ng pagtakas papalayo
Lahat naman ay bumabagsak at nabibigo
Ang araw at buwan minsan lang din kung magtagpo

Hindi mo man lubos na maunawaan
 Ang nangyayari sa kasalukuyan
Di na magtatagal at makikita mo nang mukhaan
Ang sa mga luha mo’y siya ang magtatanggal
Maglalagay ng ngiti na di na mapaparam
….Magpakailanman

Lilipas din ang gabi
Dadaan lamang na parang sandali





Ulan



 
Pilit kong pinagkakasya
ang higit sa dalawapung mga letra
Baka sakaling may mabuo ako
na anim hanggang pitong talata
Na maglalarawan ng nilalaman
Ng kalooban ko at ng diwa 

Nakatayo at nakabaling
sa gawing kanluran
Kahit alam ko naman na ang araw
 ay sumisikat sa silangan

Nag-aantay na sakaling
Bumuhos ang ulan
Umaasang mahugasan mga putik
Sa aking katawan

Libo-libong patak  
‘Di man lang nabawasan
Ang dungis sa aking palad na ako din
Ang may  kagagawan
At ang bagwis ng hangin na umiihip sa kawalan
Hindi man lang dinala
Kahit konti kong kabigatan

At nang umabot sa suko at sukdulan
Doon ko lang naiintindihan
Na mali pang tumingin sa kaliwa o sa kanan
Maging sa baba kundi sa taas lamang

Mga lihim na luha ko ay iyong nabatid
Maging ang tahimik na hikbi ko
Ay tunay mong narinig
Minahal mong ako ng higit
Labis kaysa sa aking iniisip

Ako ang naghahanap
Subalit tinagpo mo ako
Kahit di karapatdapat
Para kang tubig sa isang uhaw na ilang
At kailanman alam ko na hindi ka magkukulang







Wednesday, January 15, 2014

Tula sa Kaibigan



Hindi ko alam paano sisimulan
Ang tula para sa isang kaibigan
 Kapatid na maituturing di man sa dugo
Ngunit nag-iwan na ng lugar dito sa aking puso

Isa, tatlo o dalawa
Ngayon ay nasaan ka na?
Di mo pa ba nakikita?
Takip silim ay nalalapit na,

Hindi madaling magtago
Sa nagkukubling mga puno
Darating ang araw
ang mga ito’y mabibigo
At sa init silay matutuyo

Unti-unting mawawala
mga dahon na dati ay iyong ikinatuwa
at sa ihip ng hangin
lantang kalagayan nila malalantad na tila

at ikaw ay tatakbo ng tatakbo
maghahanap ng panibago
kahit alam mo naman ang layo
ng simula hanggang sa dulo

Palipat -lipat paikot- ikot
Paligoy-ligoy, pasikot-sikot
Hakbang palayo, palayo ng palayo
Ngayon ang tanaw sayo ay lubhang malabo

parang walang kapaguran batid mo naman
na ikaw ay nasasaktan
masasabi mo ba sa akin
payapa ka sa iyong kalagayan?

Sana muli ay magbalik
Sa iyong dati at unang pag-ibig
Itong luha nawa umabot hanggang sa langit  
Hanggang sa pawiin niya ang mga ito
sa iyong muling pagbabalik.